NAGA CITY- Patay ang isa katao habang sugatan naman ang tatlong iba pa matapos ang banggaan ng dalawang motorsiklo sa Libmanan, Camarines Sur.

Kinilala ang namatay na si Lanie Escalante, 36-anyos residente ng nasabing lugar habang kinilala naman ang mga nasugatan na sina Elmer Asma, 47-anyos; Gracia Asma, 41-anyos; at si Aristeo Escalante, 38-anyos.

Sa panayam ng Bombo Radyo Naga ki PSSGT Emyrose Organis, tagapagsalita ng Libmanan Municipal Police Station, sinabi nito na kapwa binabaybay ng dalawang motorsiklo na minamaneho nina Elmer at Aristeo ang kahabaan ng Maharlika Highway, Barangay Mambulo Nuevo sa naturang bayan.

Ngunit nang lumiko si Elmer sa kaliwang bahagi ng kalsada, dito na ito nabanggaan ng motorsiklo na minamaneho naman ni Aristeo habang angkas nito ang asawang si Lanie.

Dahil dito, nagtamo ng sugat sa iba’t-ibang bahagi ng kanilang katawan ang dalawang driver gayundin ang mga angkas nito.

Agad naman na dinala sa ospital ang nasabing mga indibidwal para sa asistensiya medikal ngunit idineklara ring dead on arrival ng mga doktor si Lanie.

Sa ngayon, patuloy pa rin ang isinasagawang imbestigasyon ng mga awtoridad hinggil sa nasabing insidente.