NAGA CITY- Patay ang isang babae habang sugatan naman ang apat na iba pang kasama nito matapos na aksidenteng masalpukan ng isang van ang isang naka park na cargo truck sa Brgy Malinao Ilaya, Atimonan Quezon.
Sa nakalap na impormasyon ng Bombo Radyo Naga sa Quezon Police Provincial Office (QPPO), nabatid na nakatanggap ng tawag ang Atimonan MPS mula sa isang concerned citizen kaugany sa nasabing insidente.
Dahil dito, agad naman na rumesponde sa lugar ang mga otoridad.
Sa inisyal na imbestigasyon, nabatid a habang binabaybay ng van na minamaneho ng suspek na kinilalang si Patrick Bingabing Ced, 52-anyos at residente ng B30 L41 Villa De Primorosa Buhay na Tubig Imus Cavite ang direksyon papuntang Bicol ng aksidente nitong mabundol ang likurang bahagi ng isang cargo truck na naka park sa kanang bahagi ng kalsada na may laman na sako-sakong feeds, na minamaneho naman ni Leonilo Ortiz Paraon, 53-anyos, residente rin ng nasabing lugar.
Dahil sa malakas na impact, natulak paharap ang nasabing truck habang nakakabit pa sa likurang bahagi nito ang naturang van, kung saan tumama sa concrete barrier at concrete post ang mga naturang behikulo at doon din nahulog ang truck.
Kaugnay nito, nagtamo ng sugat sa iba’t-ibang bahagi ng kanilang katawan ang mga pasahero ng nasabing van na kinilalang sina Elvira Ced Valez, 70-anyos, residente ng # 716 Lunas St Brgy Manamin, Mandaluyong City, Teresita Ced Euste, 68, Rei Monicca Orbasi Ced, 24, pawang residente ng Brgy Sugad Polangui Albay, at Lea Lim Ced, residente naman ng B30 L41 Villa De Primorosa Buhay na Tubig Imus, Cavite.
Agad naman na dinala sa ospital ang mga biktima para sa asistensiya medikal ngunit idineklarang dead-on-the-spot ang asawa ng driver ng van na si Lea Lim.
Sa ngayon, kasalukuyang nagpapagaling ang iba pang mga biktima habang patuloy pa ang imbestigasyon kauganay sa nasabing insidente.