NAGA CITY – Patay ang isang menor de edad habang sugatan naman ang limang iba pa matapos mahagip ng isang truck ang dalawang motorsiklo sa Zone 8, barangay San Jose, Minalabac, Camarines Sur.

Kinilala ang ibang mga sugatan na sina Rey Bantayan, Angelo Cadores, Joel Pletado at dalawang backrider.

Sa nakalap na impormasyon ng Bombo Radyo Naga sa Camarines Sur Police Provincial Office, napag-alaman na habang binabaybay ng dalawang motorsiklo ang kahabaan ng kalsada sa lugar ng bigla itong mahagip ng kasalubong na Trailer na hinihila ng isang hand tractor.

Kaugnay nito, nagtamo ng sugat sa iba’t-ibang bahagi ng kanilang katawan ang dalawang driver at apat na backrider ng mga ito ngunit agad namang binawian ng buhay ang isa dito.

Sa ngayon, nagpapagaling pa ang mga sugatang biktima habang nagpapatuloy pa rin ang imbestigasyon ng mga otoridad.