NAGA CITY- Patay ang isa katao habang sugatan naman ang pitong kapamilya nito matapos maaksidente ang sinasakyang L300 Van sa Cabusao,
Camarines Sur.

Sa panayam ng Bombo Radyo Naga kay PMSgt. Ruel Lofrandado ng Cabusao-PNP, sinabi nitong habang binabaybay ng sasakyan na minamaneho ni
Juan Paulo Agua, 24-anyos ang lugar nang biglang nahulog sa irrigation canal ng National Irrigation Administration.

Ayon kay Lofrandado, hindi gaanong pamilyar ang driver sa lugar kung kaya hindi nito nakontrol ang minamanehong sasakyan.

Napag-alaman na patungo na sana sa Metro Manila ang mga biktima matapos dumalo sa libing ng isa pang kamag-anak ng mga ito sa Bicol.

Nagtamo ng sugat sa iba’t ibang bahagi ng katawan ang mga biktima na agad namang itinakbo sa ospital ngunit binawian parin ng buhay si Dominga
Agua, 80- anyos.

Sa ngayon, nagpapagaling pa ang pitong iba pa kasama ang isang menor de edad.