NAGA CITY- Arestado na ng mga awtoridad ang isa sa mga suspek na nang-hijack ng tanker truck na may laman ng nasa P1.5-milyon na halaga ng krudo at gasolina sa Sariaya, Quezon.

Kinilala ang naaresto na suspek na si Vincent Reyes, 31-anyos, residente ng Brgy Lual Barrio, Mauban sa nasabing bayan.

Sa nakalap na impormasyon ng Bombo Radyo Naga sa Quezon Police Provincial Office, nabatid na paglabas pa lamang ng tanker truck, na pagmamay-ari ng 4M Transport and Sales Corp sa Azora Depot, ay dito na ito pinara ng mga suspek.

Nakiusap umano ang mga suspek sa driver na si Eman Molejon, 28-anyos, kasama sina Phillip Magtanggol, isang alias Joli at alias Joey, na makikisabay ang mga ito kung kaya hindi na nakatanggi ang driver.

Kaugnay nito, dito na umano ito tinutukan ng baril si Molejon, piniringan, at ginapos ang kamay at pinalipat sa back seat at kalaunan ay binaba ng mga suspek ang biktima at iniwan sa kalsada.

Dito na naglakas loob na tanggalin sa kaniyang pagkakagapos si Molejon at humingi ng tulong sa kinauukulan na nagpapatrol sa lugar kung kaya mabilis na nahabol ang nasabing tanker truck.

Ngunit sa kasamaang palad, mabilis na nakatakas ang mga suspek na nakilala dahil sa cellphone na naiwan ng mga ito sa lugar.

Samantala, nabatid na aabot sa tig-10,000 liters an lamang krudo at gasolina ng tanker truck na tinatayang nagkakahalaga ng P1,526,000.

Sa ngayon, patuloy pa ang imbestigasyon sa insidente gayundin ang pagtunton sa iba pang responsable sa nasabing insidente.