NAGA CITY- Isa sa dalawang tinamaan ng COVID-19 sa bayan ng Labo, Camarines Norte ay ang isang 10-anyos na batang babae na kinilalang si PH Bicol#71.
Sa panayam ng Bombo Radyo Naga kay Labo Councilor Rey Kenneth Oning, napag-alaman na close contact at pamangkin ito ng namatay na pasyenteng si PH Bicol #61.
Ayon sa konsehal, labis ang pagkabigla ng mga magulang ng naturang pasyente dahil hindi umano nila lubos maisip na nahawaan ito ng nakamamatay na sakit samantalang ang mga nakainuman ni PH Bicol#61 ay nag-negatibo dito.
Kaugnay nito, napag-alaman rin na isang albularyo ang isa pang bagong kaso ng COVID-19 na kinilala namang si PH Bicol#72 kung saan nabatid na nagpagamot din dito noon si PH Bicol #61 bago dalhin sa hospital.
Sa ngayon, naka-isolate na rin ang mga bagong pasyente habang nagpapatuloy ang contact tracing sa mga posibleng nakasalamuha ng mga ito.
Samantala, kasalukuyan namang isinailalim sa lockdown ang Brgy. Tulay na Lupa ng naturang bayan na pinagmulan ng mga pasyente habang patuloy naman na iniimbestigahan ang posibleng pinagmulan ng nakamamatay na sakit sa naturang lugar.