NAGA CITY- Isinailalim sa quarantine ang 11 personnel ng Naga City Police Office (NCPO) matapos magkaroon ng direct contact sa isang bilanggo na nagpositibo sa COVID-19.
Sa panayam ng Bombo Radyo Naga kay PSMSgt. Toby Bongon, tagapagsalita ng NCPO, napag-alaman na naaresto ang naturang suspek dahil sa kasong theft kung saan nanatili ng isang gabi sa police station.
Napag-alaman naman na nagpositibo ito sa naturang sakit matapos na ipasailalim sa RT-PCR test bilang protocol bago ipasok sa kanilang istasyon.
Dahil dito, agad naman na sinuri ang mga opisyal kung saan nag-negatibo naman sa test ngunit kailangan pa ring sumailalim sa quarantine.
Sa ngayon, nananatili na ang mga ito sa quarantine facility at muling susuriin matapos ang tatlo o limang araw at kung mag-negatibo, muli nang makakabalik sa kanilang serbisyo.
Samantala, nagsagawa na rin ng dis-infection sa station 3 habang nagpapatuloy pa rin ang contact tracing sa mga posibleng nakasalamuha ng naturang suspek.