Ligtas sa kapahamakan ang 12 Pilipinong seafarers na sakay ng isang barkong inatake sa karagatang sakop ng Iraq, ayon sa kumpirmasyon ng Department of Migrant Workers (DMW).

Ayon kay Hans Leo Cacdac, nakatanggap ang ahensya ng opisyal na ulat mula sa mga shipowners na nagpapatunay na nasa mabuting kalagayan ang mga apektadong tripulante.

Bukod sa 12 mandaragat, tiniyak din ng DMW na ligtas ang mahigit 7,000 pang Pilipinong seafarers na lulan ng iba’t ibang barko malapit sa Strait of Hormuz.

Bunsod ng insidente, muling naglabas ng direktiba ang DMW upang paalalahanan ang mga Pilipinong tripulante hinggil sa kanilang mga karapatan, kabilang ang opsyon na tanggihan ang pagsampa sa mga barkong daraan sa mga high-risk areas.

Advertisement

Kabilang sa mga tinukoy na mapanganib na ruta ang Strait of Hormuz, Persian Gulf, at Gulf of Oman.

Matatandaang idineklara na ng DMW ang mga nasabing rehiyon bilang war risk operations areas dahil sa patuloy na pag-init ng tensyon at kaguluhan sa Middle East.

Advertisement