Matagumpay na isinagawa ng Agricultural Training Institute (ATI) – Bicol, katuwang ang Philippine Coconut Authority (PCA), ang limang araw na Training of Trainers on Good Agricultural Practices para sa mga magniniyog sa rehiyon.
Sa panayam ng ng Bombo Radyo Naga kay Joey A. Belarmino, Ph.D., Center Director, Agricultural Training Institute – Regional Training Center V, ibinahagi nito ang aktibidad ay bahagi ng Coconut Farmers Industry Development Program (CFIDP) na layong palakasin ang industriya ng niyog sa bansa.
Naganap ang pagsasanay noong Marso 16–20 sa Legazpi City, na dinaluhan ng 27 kalahok mula sa NCFRS-registered coconut farmers at mga Local Development Unit (LDU) Agricultural Extension Workers. Ang mga farmer-leaders na ito ay inaasahang magsisilbing trainers sa kani-kanilang probinsya upang maipasa ang kaalaman sa mas maraming magniniyog sa rehiyon. Sa pagsasanay, tinalakay ang mahahalagang paksa gaya ng:
Site selection – pagpili ng tamang lugar para sa pagtatanim ng niyog
Varietal selection – pagpili ng angkop na lahi ng niyog para sa lokalidad
Fertilizer management – tamang oras at dami ng paglalagay ng pataba
Pest and disease management– wastong pangangalaga laban sa sakit at peste
Harvest at post-harvest practices – pagpapanatili ng kalidad ng ani at pagproseso tungo sa value-added products
Ayon kay Belarmino, nakatulong nang malaki ang pagsasanay hindi lamang para sa kanilang sariling bukirin kundi para rin sa kanilang mga organisasyon. Taon-taon isinasagawa ng ATI-Bicol ang ganitong uri ng pagsasanay mula pa noong 2022 bilang suporta sa CFIDP. Inaasahan pang mas marami pang batch ng training ang ikakasa ngayong taon sa iba’t ibang probinsya ng Kabikulan.
Sa kabila ng mga hamon gaya ng init ng panahon sa field work, matagumpay na natapos ang programa. Naniniwala si Belarmino ba ang ATI na sa pamamagitan ng good agricultural practices, tataas ang produksyon ng niyog sa rehiyon at makatutulong ito sa pambansang output ng Pilipinas bilang isa sa mga pangunahing exporter ng coconut products.








