NAGA CITY- Nakapagtala ang bayan ng Libmanan sa lalawigan ng Camarines Sur nang nasa 150 na kaso ng dengue.
Sa panayam ng Bombo Radyo Naga kay Edelson Marfil, Municipal Councilor ng LGU-Libmanan, sinabi nito na ang nasabing bilang ay para sa ikalawang kwarter ng kasalukuyang taon.
Batay sa pagtataya ng mga doktor sa RHU, ang 150 na kaso ng dengue ang maituturing na normal lalo na ngayong panahon ng tag-ulan. Pero kung ang opisyal umano ang tatanungin, alarming na ang nabanggit na bilang.
Kaugnay nito, upang hindi na mas lalo pang lumala ang sitwasyon, tuloy-tuloy naman ang kanilang pagpapa-alala sa kanilang mga residentes na panatilihin ang kalinisan ng kapaligiran dahil ito umano ang isa sa mga epektibong paraan upang malabanan ang nasabing sakit.
Kasabay nito, ang patuloy na pagbibigay ng impormasyon sa kanilang mga nasasakupan kung paano nakukuha at paano malalabanan ang dengue.
Sa ngayon, malaki naman ang pasasalamat ni Marfil dahil walang nairehistro na binawian ng buhay dahil sa dengue sa kanilang lugar.