Inaresto ng mga awtoridad ang 17 indibidwal dahil sa umano’y ilegal na refilling at rebranding ng liquefied petroleum gas (LPG) tanks sa Caloocan City.

Isinagawa ang pag-aresto matapos ang isang police raid sa compound ng isang kumpanya sa Sta. Quiteria Road kung saan nagtatrabaho ang mga suspek.

Sa bisa ng search warrant, nagsagawa rin ng imbentaryo ang mga pulis sa mga nakumpiskang kagamitan, kabilang ang mga gamit sa refilling at rebranding, mga bakanteng tangke ng LPG, pintura, at isang tanker.

May kinatawan din mula sa isang petroleum company na dumalo sa isinagawang operasyon.

Advertisement

Ayon sa mga awtoridad, maaaring managot ang mga naaresto sa ilalim ng Section 43 ng Republic Act 11592 o ang LPG Industry Regulation Act.

Ipinaliwanag na ang ilegal na refilling at rebranding ng LPG tanks ay maaaring magdulot ng panganib tulad ng sunog at iba pang safety hazards kung hindi sumusunod sa itinakdang pamantayan ng pamahalaan.

Samantala, tumanggi namang magbigay ng pahayag ang kinatawan ng kumpanyang sinalakay kaugnay sa insidente.

Advertisement