Iniulat ng Department of Foreign Affairs (DFA) na ligtas nang nakalabas ng Israel ang 19 pang Pilipino, kabilang ang dalawang bata, sa pamamagitan ng Taba Border Crossing patungong Egypt.

Ayon sa DFA, tumawid ang grupo noong Marso 29 at tinulungan sila ng Philippine Embassy in Tel Aviv. Pagdating sa Taba, sinalubong sila ng mga tauhan ng Philippine Embassy in Cairo at ng Overseas Workers Welfare Administration Rapid Response Team. Inaasahan nilang makauwi sa Maynila ngayong Miyerkules.

Dagdag pa ng DFA, ang mga Pilipino sa Israel na nais umuwi sa bansa ay maaaring makipag-ugnayan sa embahada para sa kaukulang tulong at koordinasyon.

Mula nang sumiklab ang sigalot sa Iran noong Pebrero 28, umabot na sa 167 Pilipino ang natulungan makalabas ng Israel. Kabilang sa mga ito ang caregivers, hotel workers, dependents, turista, pilgrim, at estudyante.

Advertisement

Batay sa pinakahuling datos ng DFA, hindi bababa sa 838 non-OFW Filipinos mula sa iba’t ibang bansa sa Middle East ang nakatanggap ng tulong upang makauwi sa Pilipinas. Patuloy ang pamahalaan sa pagbibigay ng suporta at koordinasyon sa mga Pilipinong apektado ng sigalot sa rehiyon.

Advertisement