NAGA CITY – Patay ang isang batang babae matapos malunod sa bayan ng Mercedes sa lalawigan ng Camarines Norte.
Kinilala ang biktima na 2-anyos, residente ng Purok 1-A, Barangay 7, sa nasabing bayan.
Ayon sa ulat, nangyari ang insidente ngayong araw, April 20, 2025 sa dagat na sakop ng nasabing lugar.
Batay sa inisyal na imbestigasyon, at salaysay ng ina ng biktima, habang karga-karga nito ang bata at sinasamahang pababa sa bangkang de-motor mula sa isang picnic/swimming sa Barangay Manguisoc, ibinaba nito ang biktima sa mababaw na bahagi ng dagat para idiskarga ang ilang mga gamit.
Makalipas ang ilang minuto, napansin niyang nawawala ang bata.
Dahil dito, agad humingi ng tulong ang ina sa mga tao sa paligid.
Samantala, agad namang nagsagawa ng search and rescue operation ang mga tauhan ng Philippine Coast Guard, PNP, at ilang residente.
Matapos ang masusing paghahanap, natagpuan ang bata at isinugod sa ospital, ngunit sa kasamaang palad, idineklara itong dead on arrival ng doktor.
Patuloy na iniimbestigahan ng mga awtoridad ang insidente.