Tuloy ang ikinakasang dalawang araw na tigil-pasada ng transport group na Manibela sa darating na Lunes at Martes, Nobyembre 23 at 24.

Inihayag ni Manibela Chairman Mar Valbuena na kasabay ng kanilang transport strike, maglulunsad din sila ng kilos-protesta sa tapat ng punong tanggapan ng Land Transportation Office (LTO) sa Quezon City sa unang araw ng tigil-pasada.

Nag-ugat ang protesta sa umuugong na balitang papalitan umano ang liderato ng LTO, na mahigpit na kinukuwestiyon ng grupo dahil maayos naman umano ang kasalukuyang pamamalakad ni LTO Assistant Secretary Markus Lacanilao.

Bilang tugon, iginiit ni Transportation Secretary Vince Dizon na nirerespeto nila ang karapatan ng Manibela at ng alinmang grupo na malayang magpahayag ng saloobin at magprotesta.

Advertisement

Tiniyak din ni Dizon na handang makipagdiyalogo ang Department of Transportation (DOTr), katuwang ang pamunuan ng LTO, sa mga transport group upang tugunan ang mga kinakaharap na isyu sa kanilang sektor.

Advertisement