Nakatakdang dagdagan pa ng Department of Transportation (DOTr) ang bilang ng mga bus na bumibiyahe sa EDSA Busway sa susunod na buwan upang matugunan ang inaasahang pagdami ng mga pasahero ngayong holiday season.
Ayon kay DOTr Secretary Vince Dizon, umabot na sa 400 ang kabuuang bilang ng mga bus na bumibiyahe sa naturang ruta matapos magdagdag ng 50 units bilang suporta sa transportasyon ng mga delegado at pasahero ngayong ASEAN Summit.
Target naman ng kagawaran na magdagdag pa ng 50 bus pagsapit ng Disyembre upang maging 450 ang kabuuang bilang ng mga yunit na magseserbisyo sa EDSA Busway.
Layunin ng hakbang na mapalakas ang kapasidad ng pampublikong transportasyon at mapagaan ang biyahe ng mga commuter, partikular na ng mga manggagawang papasok sa trabaho at mga mamimiling inaasahang dadagsa sa mga pamilihan bago mag-Pasko.
Samantala, inanunsyo rin ni Dizon na pagsapit ng 2027 ay direktang pangangasiwaan na ng DOTr ang kabuuang operasyon ng EDSA Busway, kabilang ang maintenance at pagkukumpuni ng mga footbridge.
Ayon sa kalihim, nais nilang magkaroon ng iisang ahensyang mananagot sa pangangalaga ng mga pasilidad upang maiwasan ang pagtuturuan ng mga kinauukulang tanggapan kapag may kailangang ayusin, gayundin ang mga pagkaantala dahil sa kakulangan ng pondo.
Kabilang sa mga problemang nais tugunan ng kagawaran ang mga hindi gumaganang elevator at sirang ilaw sa ilang footbridge na ginagamit ng mga commuter.
Tiniyak ni Dizon na sa ilalim ng direktang pamamahala ng DOTr ay magkakaroon ng nakalaang pondo para sa regular na maintenance at agarang pagkukumpuni ng mga pasilidad upang mapabuti ang kaligtasan at kaginhawaan ng mga pasahero.














