NAGA CITY – Patay ang dalawang indibidwal sa magkahiwalay na kaso nang pamamaril sa lalawigan ng Quezon.

Kinilala ang mga biktima na sina Rolly Dela Cruz, residente ng Brgy. Talisay, San Andres, Quezon at Eduardo Capinig Jr., residente ng Brgy. Bagong Silang, Buenavista sa nasabing lalawigan.

Sa nakalap na impormasyon ng Bombo Radyo Naga sa Quezon Police Provicial Office, napag-alaman na nakita na lamang ng mga kapitbahay nito si Dela Cruz na nakahandusay sa pintuan ng bahay nito matapos na makarinig ng dalawang magkasunod na putok ng baril, habang nakasakay naman umano sa motorsiklo nito si Capinig ng bigla na lamang barilin ng hindi pa nakikilalang suspek.

Dahil sa nasabing insidente, nagtamo ng tama ng bala ng baril ang mga biktima sa iba’t-ibang bahagi ng kanilang katawan, kung saan agad naman umanong dinala sa ospital si Dela Cruz ngunit ideklara rin itong dead-on-arrival ng mga doktor, samantalang si Capinig naman ay dead-on-the spot.

Sa ngayon, nagpapatuloy pa ang isinasagawang imbestigasyon ng mga awtoridad hinggil sa nasabing insidente maging ang pagtukoy sa posibleng kinaroroonan ng mga suspek sa agad na tumakas matapos isagawa ang nasabing krimen.