NAGA CITY- Sugatan ang dalawang indibidwal matapos na mawalan ng kontrol ang driver ng jeep sa Real, Quezon.

Kinilala ang mga biktima na sila Maria Linda Patoc, 53-anyos, residente ng Purok 7, Brgy. Tignoan sa nasabing bayan at Medel Avenilla, 29-anyos, residente ng Purok Centro, Brgy. Lubayat sa nabanggit na bayan.

Sa nakuhang impormasyon ng Bombo Radyo Naga sa Quezon Police Provincial Office, napag-alaman na nakatanggap ng impormasyon ang kapulisan mula sa isang concerned citizen patungkol sa nasabing insidente.

Sa inisyal naman na imbestigasyon ng mga awtoridad, nabatid na dahil sa mabilis na pagmamananeho ng suspek na kinilalang si Nomar Abac, 28-anyos, residente ng Purok 5, Brgy. Tignoan, Real Quezon kung kaya nawalan ito nang kontrol sa pinagmamanehong sasakyan at bumangga sa poste ng kuryente na nagin dahilan sa pagkakasagi sa biktimang si Patoc na naglalakad lamang sa gilid ng daan.

Agad naman na dinala sa ospital ang mga biktima para sa asistensya medikal habang agad din naman na tumakas ang suspek papunta sa hindi malaman na direksyon.

Sa ngayon, nagpapatuloy pa ang isinasagawang imbestigasyon ng mga awtoridad magin an paghahanap sa posibleng kinaroroonan ng suspek.