
Ipinakita ng Katseye leader na si Sophia Laforteza ang kanyang pagiging proud Filipina matapos niyang bigyang-pugay ang mga Pinoy sa kanilang unang pagganap sa Coachella Music Festival ngaong Sabado (Ph time).
Sa kanyang maikling talumpati sa entablado ng Sahara Desert stage, emosyonal na binati ni Sophia ang mga Pilipinong nanonood at nagwawagayway ng bandila sa naturang festival.
“I’m overwhelmed with emotion. It’s so beautiful. I see some people raising the Filipino flag here in Coachella. You guys are making our dreams come true,” ani Sophia.
Kasama ang iba pang miyembro ng Katseye na sina Daniela, Lara, Yoonchae, at Megan, nagtanghal sila ng mga awitin tulad ng “Touch” at “Debut” sa kanilang Coachella debut. Hindi naman nakasama sa performance ang miyembrong si Manon na kasalukuyang nasa hiatus.
Samantala, ibinahagi ng ina ni Sophia na si aktres Carla Guevarra sa Instagram Stories ang kanilang performance at ipinahayag ang labis na pagmamalaki sa anak.
Sa parehong araw, gumawa rin ng kasaysayan ang P-pop group na BINI bilang kauna-unahang Filipino act na nakapag-perform sa Coachella, na nagtanghal naman sa Mojave stage ng naturang music festival.










