NAGA CITY- Sugatan ang dalawang indibidwal matapos mawalan ng preno ang isang bus at bumulusok sa bangin sa Zone 1, Crossing Tara Sipocot, Camarines Sur.

Sa panayam ng Bombo Radyo Naga kay PSSg Antoinette P Abuel, Imbestigador ng Sipocot Municipal Police Station sinabi nito na pauwi na sanang Zamboanga ang naturang bus na minamaneho naman ni Dennis Almoldal kasama ang dispatcher nito nang mawalan ng preno ang bus sa bahagi nang nasabing kalsada.

Aniya, wala namang ibang pasahero ang bus ngunit sa kasamaang palad ay nahagip nito ang isang motorcycle driver habang nakaparada sa gilid ng kalsada bago pa man ito tuluyang bumulusok sa bangin.

Sa inisyal na imbestigasyon ng mga awtoridad, mabilis ang patakbo ng driver ng bus kahit nasa pakurbang bahagi ng kalsada na isa rin sa tinitingnang anggulo ng pagkawala ng kontrol ng sasakyan.

Dagdag pa ni Abuel, hindi rin umano kabisado ng driver ang nasabing lugar na itinuturing na accident prone area.

Kaugnay nito, dahil sa insidente nagtamo ng slight physical injury ang dispatcher ng bus gayundin ang driver ng motorsiklo.

Sa ngayon, nasa kustodiya na ng mga awtoridad ang driver ng bus para sa kaukulang disposisyon.