NAGA CITY- Patay ang dalawang katao habang pito naman ang sugatan kasama ang isang menor de edad matapos magsalpukan ang isang kotse at truck sa Gumaca Quezon.

Kinilala ang mga binawian ng buhay na si Romel Ramboyong Periabras at ang isang hindi pa nakikilalang indibidwal habang ang mga sugatan naman na sina Rolando De Antonio Florano, 61-anyos, Rodolfo De Antonio Florano, 60-anyos, Adrian Marcal Matangod, 25-anyos, Danilo Dominic, 60-anyos, kasama ang isang 4-anyos na batang babae, at dalawa pang hindi nakikilalang biktima.

Sa nakalap na impormasyon ng Bombo Radyo Naga sa Quezon Police Provincial Office (QPPO), nabatid na habang minamaneho ni Rolando ang kaniyang kotse sakay ang walong biktima ng masalpukan ito ng isang truck na minamaneho namn ng suspek na kinilalang si Michael Angelo Pandes Lazaro, 28-anyos, residente ng 5169 Sitio Sulok Ugong Valenzuela City.

Dahil dito, nagtamo ng mga sugat sa iba’t-ibang parte ng kanilang mga katawan ang mga biktima at agad naman na dinala sa ospital.

Ngunit, sa kasamaang palad, ideniklarang dead on arrival ng mga doktor sina Rommel at isang pang hindi nakikilalang lalaki.

Sa ngayon, patuloy pa rin ang isinasagawang imbestigasyon ng mga awtoridad hinggil sa nasabing insidente.