NAGA CITY- Hustisya ang tanging hanggad ngayon ng mga kapamilya ng limang pulis na nasawi sa nangyaring pang aambush sa Barangay Dumagmang, Labo, Camarines Norte.
Sa panayam ng Bombo Radyo Naga kay PStaff Sgt. Emyrose Organis, tagapagsalita ng Libmanan Municipal Police Station (MPS), sinabi nito na naging tahimik ang libing nina PCpl Roger Estoy at PCpl Jeremie Alcantara na pareheng residente ng nasabing bayan.
Nabatid na inalayan ng burial honor ang nasabing dalawang magiting na pulis sa tulong narin ng Libmanan Municipal Police station kasama ang augmentation force ng Camarines Sur Police Provincial Office (CSPPO).
Ayon kay Organis, nabigyan rin ng maayos na seguridad ang mga kapamilya ng nasabing mga biktima.
Basado alas-9 ng umaga kahapon, Marso 27, 2021 nang ihatid sa kaniyang huling hantungan si PCpl Estoy habang alas-12 naman ng tanghali si PCpl Alcantara sa Barangay Potot, Libmanan, Camarines Sur.
Kung saan, binalot ito ng pagdadalahamti mula sa pamilya ng mga biktima gayundin sa mga malalapit na kamag-anak at kasamahan ng mga ito sa serbisyo.
Kung maalala, binawian ng buhay sa nasabing pang aambush sina PCpl Benny Ric Ramos Bacurin, PCpl Joey Dulin Cuartevos, PCpl Jeremie Curioso Alcantara, PSSg Roger Alay Estoy Jr., at PCpl Alex Ludovice Antoquia pawang miyembro ng 2nd Provincial Mobile Force Company.