NAGA CITY – Sugatan ang dalawang lalaki kasama na ang pasahero ng isang van matapos mabundol ng isang van ang isang wingvan truck sa Maharlika High Way, Brgy. Concepcion, Plaridel, Quezon.

Kinilala ang mga biktima na sina Rommel Padawil, 40-anyos, drayber ng truck at residente ng Brgy. Magang, Daet, Camarines Norte at Adrianito Militante Jr., 34-anyos, pasahero ng van at residente ng Unit 2001 Belmira Bldg., Cypres Towers Condo, C5 Road, Taguig City.

Sa nakalap na impormasyon ng Bombo Radyo Naga sa Quezon Police Provincial Office, napag-alaman na habang nagbabyahe papuntang Bicol Region ang biktima sakay ng naturang wingvan truck ng mabundol ito ng van na minamaneho ng suspek na si Paul Francisco, 43-anyos, residente rin ng nasabing lugar.

Dahil sa naturang insidente, nagtamo ng sugat sa iba’t-ibang bahagi ng kanilang katawan ang biktima na agad namang dinala sa ospital para sa asistensya medikal.

Sa inisyal na imbestigasyon ng mga otoridad, napag-alaman na nakaidlip ang drayber ng van dahilan para mabundol nito ang naturang truck at tuluyan ding nakasalpok sa sementadong poste.

Sa ngayon, nasa kustodiya na ng mga otoridad ang suspek para sa karampatang disposisyon.