NAGA CITY- Mahigit sa P1M halaga ng iligal na droga na pinaniniwalaang shabu ang nasabat mula sa isang suspek sa Iriga City, Camarines Sur.
Habang arestado naman ang isang incumbent barangay kagawad at patay naman ang anak nito sa isa pang hiwalay na operasyon sa bahagi ng Tinambac nsa naturang lalawigan.
Kinilala ang mga suspek na sina Mae Hazel Agapito, 37-anyos, ang barangay kagawad na si Josefa Begino, 46-anyos at anak naman nitong si Joven Begino, 28-anyos.
Sa panayam ng Bombo Radyo Naga kay PLt.Col. Ronnie Fabia, hepe ng Nabua PNP, napag-alaman na isa umanong high value target si Agapito.
Habang ayon naman kay PMaj. Garry Mangente, hepe ng Tinambac PNP, napag-alaman na nanlaban umano si Joven ng makita nito na papunta sa kanila ang mga otoridad para mag-isyu ng Search Warrant.
Dahil dito gumanti ng putok ang mga kapulisan na naging dahilan ng agarang pagkamatay ni Joven.
Sa inisyal na imbestigasyon ng mga otoridad, narekober sa pinangyarihan ng insidente ang isang unit ng caliber .45 pistol, isang unit ng homemade shotgun, isang empty shell ng caliber .45, tatlong piraso ng empty shell ng caliber 9mm; 20 pirasong sachet ng pinaniniwalaang shabu at mga drug paraphernalia.
Habang nakumpiska naman kay Agapito ang nasa 175 grams ng iligal na droga.
Sa ngayon, nasa kustodiya na ng mga otoridad ang mga suspek para sa karampatang disposiyon.