Sumailalim sa Basic Arnis Proficiency Seminar ang 20 barangay tanod sa Barangay San Felipe, Naga City, bilang bahagi ng programang Revitalized Pulis sa Barangay ng Philippine National Police (PNP)–City Mobile Force Company (CMFC) ng Naga City Police Office (NCPO).

Layunin ng pagsasanay na maturuan ang mga barangay tanod ng wastong paggamit at paghawak ng arnis o baton bilang karagdagang kaalaman sa self-defense, partikular sa mga sitwasyong may nanlalaban o nagwawalang indibidwal na kanilang hinahawakan.

Sa panayam ng Bombo Radyo Naga kay Barangay Kagawad Rey Plopinio ng San Felipe, nagpahayag ito ng pasasalamat sa pagsasagawa ng naturang training na makatutulong sa pagpapalakas ng kakayahan at kahandaan ng mga tanod sa pagtupad ng kanilang mga tungkulin.

Nilinaw naman ni Plopinio na hindi konektado ang pagsasanay sa anumang insidente ng krimen sa kanilang lugar, kundi bahagi lamang ng paghahanda at pagpapalawak ng kaalaman ng mga tanod.

Advertisement

Binigyang-diin din niya ang responsableng paggamit ng mga natutuhan at hinimok ang mga residente na makipagtulungan sa mga barangay tanod at agad na magsumbong sa kinauukulan sakaling may mapansing pang-aabuso upang mapanatili ang kaayusan at katahimikan sa barangay.

Advertisement