Nasamsam ng Bureau of Customs (BOC) ang mahigit 350 kilo ng hinihinalang ilegal na droga na nagkakahalaga ng tinatayang P661 milyon mula sa anim na shipment na dumating sa bansa at sinuri sa isang bodega sa Pasay City.
Personal na pinangunahan ni Customs Commissioner Charlito Martin R. Mendoza, kasama si Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) Director Derrick Arnold C. Carreon, ang inspeksyon sa mga nakumpiskang kontrabando noong Nobyembre 27, 2026.
Kabilang sa mga nasabat ang mahigit 300 kilo ng high-grade marijuana o kush, 42 kilo ng shabu at isang gramo ng acetylcodeine. Nagmula ang mga kargamento sa Thailand, Kenya, Malaysia at Canada. Dalawa sa mga shipment mula Thailand ang idineklara umanong mga laruan ng bata.
Ayon kay Commissioner Mendoza, naging mahalaga sa operasyon ang impormasyong nakalap ng mga awtoridad, X-ray screening at masusing pagsusuri sa mga kargamento.
Isinagawa ang operasyon ng BOC-NAIA katuwang ang PDEA, Philippine National Police (PNP) at iba pang ahensya ng pamahalaan. Tiniyak din ang wastong pagdodokumento at paglilipat ng mga nakumpiskang droga sa PDEA para sa karagdagang imbestigasyon at pagsasampa ng kaukulang kaso.
Samantala, mula Enero 2026, umabot na sa tinatayang P7.92 bilyon ang kabuuang halaga ng ilegal na drogang nasamsam ng BOC sa 414 na operasyon sa buong bansa.








