Aabot sa 215 miyembro ng Kamara de Representantes ang nagpahiwatig umano ng suporta para sa impeachment ni Vice President Sara Duterte, ayon kay Bicol Saro party-list Rep. Terry Ridon.
Ayon kay Ridon, ang naturang bilang ay katumbas ng mahigit two-thirds ng kabuuang miyembro ng House of Representatives at halos kapareho ng naging boto sa naunang impeachment proceeding laban sa Bise Presidente noong nakaraang taon.
Dagdag pa niya, ang bilang ay mas mataas kumpara sa naunang tantiya na nasa 180 kongresista na posibleng bumoto pabor sa impeachment, ayon kay House Deputy Speaker Ronaldo Puno.
Sa ilalim ng 1987 Constitution, sapat na ang one-third ng mga miyembro ng Kamara o hindi bababa sa 106 boto upang maipasa ang impeachment at maipadala ito sa Senado para sa impeachment trial.
Samantala, naipamahagi na sa lahat ng 318 miyembro ng Kamara ang 93-pahinang Articles of Impeachment laban kay Sara Duterte.
Ayon sa ulat ng House Committee on Justice na pinamumunuan ni Batangas Rep. Gerville Luistro, inakusahan ang Bise Presidente ng umano’y maling paggamit ng P612.5 milyong confidential funds at hindi maipaliwanag na P6.77 bilyong yaman, bukod sa iba pang alegasyon.
Nakasaad din sa ulat na ang mga akusasyon ay hindi hiwa-hiwalay na insidente lamang, kundi bahagi umano ng pattern ng maling asal na sumisira sa tiwala ng publiko at nagdudulot ng banta sa interes ng bansa.
Sa panig ng Senado, sinabi ni Senador Francis Pangilinan na pinag-iisipan niya ang alok na maging impeachment manager sa posibleng paglilitis, na gagampanan ang papel na katulad ng clerk of court sa impeachment proceedings. Wala pa itong pinal na desisyon.














