Hindi bababa sa 29 katao ang nasawi matapos salakayin ng mga armadong lalaki ang isang komunidad sa Adamawa state sa Nigeria noong Linggo ng gabi, ayon sa gobernador ng estado.
Ayon sa mga lokal na opisyal at lider ng komunidad, biglang sumalakay ang mga armado sa Guyaku community sa Gombi local government area at walang habas na nagpaputok ng baril sa loob ng ilang oras. Bukod sa mga nasawi, nasira rin ang ilang ari-arian sa nasabing lugar.
Kinumpirma ni Governor Ahmadu Umaru Fintiri ang bilang ng mga namatay nang bumisita siya sa komunidad noong Lunes. Nakiramay siya sa mga naulilang pamilya at inilarawan ang insidente bilang isang trahedya at hindi katanggap-tanggap.
Sinabi rin ng gobernador na nakikipagtulungan na ang pamahalaan ng estado sa mga ahensiyang panseguridad upang maiwasan ang mga susunod pang pag-atake at maibalik ang kaayusan sa lugar.
Sa ngayon, hindi pa matukoy ang motibo ng mga salarin. Gayunpaman, ang Adamawa state sa hilagang-silangang bahagi ng Nigeria ay matagal nang nakararanas ng mga pag-atake mula sa mga armadong grupo, kabilang ang mga rebeldeng Boko Haram at iba pang kriminal na sindikato, na nagdudulot ng patuloy na banta sa seguridad ng mga komunidad sa rehiyon.














