NAGA CITY- Patong-patong na kaso ang isasampa laban sa tatlong drug suspect na naaresto sa isang buy-bust operation sa Zone 5, Barangay Triangulo, Naga City.
Mababatid na sinalakay ng pinag-isang pwersa ng PDEA-5 at PDEA CamNorte katuwang ang mga elemento ng NCPO ang isang drug den sa naturang lungsod.
Kung saan dito naaktuhan ng mga awtoridad sa bahay ng mag-live-in partner na sina Suzette Samsona, 40-anyos at Jeffrey Agravante; at ang bisita nito na si Daisy Camacho, 49-anyos, habang nagpa-pot session.
Sa panayam ng Bombo Radyo Naga kay Agent Mark Anthony Viray, Investigator Agent 5 ng PDEA-CamSur, sinabi nito na nakumpiska sa tatlo ang dalawang piraso ng heat-sealed transparent plastic sachet ng pinaniniwalaang shabu na nasa humigit kumulang 50 gramos at nagkakahalaga ng P340,000.
Aniya, dati nang mga drug surrenderee sina Samsona, Agravante at Camacho, ngunit kalauna’y pinagpatuloy ang pagsangkot sa ilegal na gawain.
Dagdag pa ni Viray, nakakaalarma umano dahil sa lakas ng loob ng mga suspek na magbenta ng droga gayong nasa likod lamang ng Barangay Hall ang nasabing drug den.
Samantala, hinahanda na ang mga kasong paglabag sa Section 5,6, 7,11 at 12 ng Article II ng RA 9165 laban sa naturang mga suspek.
Patuloy naman ang kampanya ng PDEA at PNP ng Intesified Barangay Drug Clearing Program laban sa presensiya at impluwensiya ng ilegal na droga.