NAGA CITY – Sugatan ang tatlong binata kasama na ang menor de edad na driver matapos sumalpok sa minamanehong motorsiklo sa isang kotse sa Maharlika Highway, Brgy. San Vicente, Pamplona, Camarines Sur.

Kinilala ang mga biktima na sina Joennel Boroc; Mario Calubad, kapwa 19-anyos at ang 17-anyos naman na driver, kapwa residente sa naturang lugar.

Sa nakalap na impormasyon ng Bombo Radyo Naga sa Camarines Sur Police Provincial Office, napag-alaman na habang binabagtas ng kotse na minamaneho ni Singh Gagandeep, isang Indian National, 28-anyos, residente ng Zone 3, Camella, Del Rosario, Naga City ang kahabaan ng kalsada papunta sa lungsod ng Naga ng bigla itong mabundol ng kasalubong na motorsiklo, matapos kainin ang kabilang linya.

Sa inisyal na imbestigasyon ng mga otoridad, nabatid na dahil sa naturang insidente, nakatilapon sa sementadong kalsada ang mga biktima na naging dahilan para magtamo ang mga ito ng mga sugat sa iba’t-ibang bahagi ng kanilang katawan.

Samantala, agad namang dinala sa ospital ang mga biktima para sa asistensya medikal.

Sa ngayon, nagpapatuloy pa rin ang isinasagawang imbestigasyon ng mga otoridad hinggil sa naturang insidente.