NAGA CITY- Arestado ang tatlong empleyado ng isang kumpanya matapos mahuling nagpapot session sa loob mismo ng barracks ng mga ito sa Zone 2, San Vicente Milaor, Camarines Sur.

Kinilala ang mga suspek na sina Gil Peñaredondo, Manuel Sabido at Jeffrey Dela
Cruz.

Sa panayam ng Bombo Radyo Naga kay PCpt. Antonio Per, hepe ng Milaor-PNP, sinabi nitong nagreport sa kanila ang mismong Operation Manager ng NFH Corporation matapos mamataan ang iligal na aktibidad ng kanilang mga empleyado.

Kaugnay nito, agad namang rumesponde ang mga otoridad at doon naabutan mismo ang mga suspek na gumagamit ng iligal na droga.

Narekober sa mga ito ang tatlong sachet ng pinaniniwalaang shabu at mga drug paraphernalia.

Ayon kay Per, matagal nang nagpaabot ng impormasyon ang naturang operation manager sa kanila ngunit hindi basta nahuhuli ang mga ito.

Sa ngayon, nananatili na sa kustodiya ng mga otoridad ang mga suspek para sa karampatang disposisyon.