NAGA CITY – Patay ang tatlo katao kasama na ang driver ng isang truck habang sugatan naman ang dalawang iba pa matapos na mabangga nito ang isang tricycle at diretso pang makabangga sa isang bahay sa Dolores, Quezon.
Kinilala ang mga binawian ng buhay na sina Tomas Villanueva; Jerrylyn Villanueva; parehas residente ng nasabing lugar at ang drayber ng nasabing truck.
Sa panayam ng Bombo Radyo Naga kay Police Chief Master Sergeant Marcelino Enobal, investigator on case ng Dolores Municipal Police Station, sinabi nito na ayon sa kanilang naging imbestigasyon nawalan ng preno ang truck dahilan upang mabangga nito ang kasalubong na tricycle na minamaneho naman ni William Enriquez habang sakay si Lito Vergara.
Matapos na mabangga nag tricycle nagdire-diretso pa ito at nakabangga pa sa bahay na nasa baba ng kalsada na pag-aari naman ni Tomas, kung saan ng mga oras na ito umano ay nasa loob ng bahay si Tomas at Jerrylyn na naging dahilan upang mabangga rin ang mga ito na naging rason ng kanilang kamatayan.
Dagdag pa ni Enobal hindi naman maiituring na accident prone area anh lugar ngunit palusong umano ang kalsada mayroon ring kargang semento at hollowblocks ang nasabing truck.
Samantala, agad rin namang itinakbo sa pagamutan ang driver at pasahero ng tricycle na nagtamo naman ng sugat sa kanilang mga katawan dahil sa insidente.
Dahil sa pagkamatay ng driver ng truck nangako na lamang umano ang may-ari ng truck na magbibigay ang mga ito ng tulong pinansyal sa mga biktima.
Sa ngayon, paalala na lamang ng opisyal sa lahat ng mga driver at motorista na ugaliing i-check ang mga behikulo bago magbyahe upang maiwasan ang anuman na aberya habang nagbabyahe.