Umabot sa tatlong katao ang nasawi sa pinaghihinalaang outbreak ng Hantavirus sakay ng isang cruise ship sa Atlantic Ocean, ayon sa World Health Organization (WHO), bagamat isa pa lamang ang kumpirmadong kaso habang lima pa ang iniimbestigahan.

Iniulat na isang 69-anyos na British national ang kasalukuyang nasa intensive care sa Johannesburg, South Africa.

Ayon sa WHO, ang hantavirus ay karaniwang naipapasa sa tao mula sa mga daga sa pamamagitan ng kanilang ihi o dumi at maaaring magdulot ng malubhang sakit sa paghinga. Sa mga bihirang pagkakataon, posible rin itong maipasa mula tao sa tao.

Naganap ang outbreak sakay ng MV Hondius na pinapatakbo ng Oceanwide Expeditions. Ang barko ay bumiyahe mula Argentina patungong Cape Verde.

Advertisement

Batay sa mga awtoridad sa South Africa, ang unang pasyente na nagpakita ng sintomas ay isang 70-anyos na lalaki na nasawi habang nasa barko. Ang kanyang labi ay kasalukuyang nasa Saint Helena.

Nagkasakit din ang kanyang 69-anyos na asawa na inilikas sa South Africa ngunit kalaunan ay nasawi rin sa isang ospital sa Johannesburg. Ayon sa ulat, ang mag-asawa ay kapwa Dutch nationals.

Iniulat din na ang ikatlong nasawi ay nananatili pa sa barko, habang pinag-aaralan ang paglalagay sa isolation ng dalawa pang pasyente sa mga ospital sa Cape Verde.

Ayon sa WHO, patuloy itong nakikipag-ugnayan sa mga bansang kasangkot at sa operator ng barko para sa medical evacuation ng mga pasyente, gayundin sa pagsasagawa ng public health risk assessment at pagbibigay ng suporta sa mga sakay ng barko.

Advertisement