NAGA CITY – Patay ang tatlong lalaki kasama na ang suspek matapos magtagaan sa Ragay, Camarines Sur.

Kinilala ang mga biktima na sina Mark Avila, 40-anyos; Simeon Villareal, 27-anyos, at ang suspek na si Mark Alex Sito, mga residente ng nasabing bayan.

Sa nakalap na impormasyon ng Bombo Radyo Naga sa Camarines Sur Police Provincial Office, napag-alam na dati namang mayroong hindi pagkakaintindihan sina Sito at Avila.

Sa inisyal na imbestigasyon ng mga awtoridad, napag-alaman na problema sa boundary ng lupa ang pinagmulan ng alitan ng magkabilang panig.

Ito’y matapos umano na putulin ni Avila ang puno ng saging, kung saan nagkasagutan ito at ang suspek na si Sito na sinubukan naman na awatin ni Villareal.

Napag-alaman naman na habang armado ng itak ang suspek pwersahan nitong pinasok ang bahay ng biktima at dito na nito pinagtataga ang mga biktima.

Nakaganti naman sana si Villareal at nataga rin nito ang suspek sa noo at iba’t-ibang bahagi ng katawan nito na naging dahilan rin ng pagkamatay nito.

Ngunit dahil naman sa malalalang tama na tinamo ng mga ito tuluyan na ring binawian ng buhay ang tatlo.

Sa ngayon, nagpapatuloy ang isinasagawang imbestigasyon ng mga awtoridad hinggil sa nasabing insidente.