NAGA CITY – Sugatan ang tatlong indibidwal kasama na ang isang menor de edad matapos na mabangga ng isang motorsiklo ang isang tricycle sa Sariaya, Quezon.
Kinilala ang mga nasugatan na sina Alexnder Maling Mirhan, 46-anyos, residente ng Brgy. Concepcion 1, sa nasabing bayan; backride ng motorsiklo na si Julius Mercado, 27-anyos, residente ng Brgy. Mangilag Sur, Candelaria, Quezon; at isang 11-anyos na dalagita.
Sa nakalap na impormasyon ng Bombo Radyo Naga sa Quezon Police Provincial Office, napag-alaman na habang binabaybay ng tricycle na minamaneho ni Mirhan, angkas ang menor de edad, ang northbound direction mula sa Brgy. Poblacion 3 patungo sa Brgy. Concepcion 1 sa nasabing bayan, nang aksidente itong mabangga ng motorsiklo na minamaneho ni Aljonnel De Chavez, 27-anyos, residente ng Candelaria, Quezon, habang angkas naman si Mercado.
Sa inisyal na imbestigasyon ng mga awtoridad, napag-alaman na dahil sa insidente nagtamo ng mga sugat sa iba’t-ibang bahagi ng kanilang katawan sina De Chavez, Mercado at ang 11-anyos na dalagita na agad namang dinala sa ospital.
Sa ngayon, nagpapatuloy man ang isinasagawang imbestigasyon ng mga awtoridad hinggil sa nasabing insidente.