Hindi bababa sa 37 katao ang nasugatan matapos ang panibagong airstrike ng Israel sa southern Lebanon nitong Mayo 15, sa gitna ng nagpapatuloy na ceasefire na pinangungunahan ng Washington, D.C.

Ayon sa Israeli military, tinarget ng kanilang operasyon ang mga imprastruktura ng Hezbollah sa Tyre at karatig na mga lugar.

Kinondena naman ng United Nations humanitarian coordinator sa Lebanon ang patuloy na karahasan at nanawagan na gamitin ang diplomasya upang maiwasan ang paglala ng krisis.

Batay sa Lebanese health ministry, kabilang sa mga sugatan ang mga kababaihan, bata, at ilang hospital workers matapos tamaan ang mga gusaling malapit sa ospital at isang NGO center.

Advertisement

Marami rin umanong residente ang lumikas matapos masira ang mga tahanan ng mga pamilyang displaced.

Bagama’t may umiiral na tigil-putukan mula Abril 17, patuloy pa rin ang labanan sa pagitan ng Israel at Hezbollah, kung saan kapwa panig ang nag-aakusa ng paglabag sa kasunduan.

Daan-daang katao na ang nasawi mula nang sumiklab ang mga pag-aaway.

Kasabay nito, nagpapatuloy ang peace talks sa pagitan ng dalawang panig sa US State Department, kung saan umaasa ang Lebanon na mapalawig ang ceasefire at matigil ang pambobomba.

Kung walang maaabot na kasunduan, posibleng mag-expire ang truce sa Linggo.

Advertisement