NAGA CITY – Arestado ang apat katao habang dalawa naman ang pinaghahanap pa matapos masangkot sa iligal na tupada sa Laganoy, Camarines Sur.

Kinilala ang mga nadakip na sina Gomer Gavarra, 64-anyos; Moises Bonion; 49-anyos; Albert Perias, 45-anyos; Manuel Torillos, 40-anyos pawang mga residente sa nasabing bayan.

Sa nakalap na impormasyon ng Bombo Radyo Naga sa Camarines Sur Police Provincial Office (CSPPO), nabatid na naaresto ang nasabing mga suspek matapos magsagawa ng anti-illegal cockfighting operation ang mga awtoridad kontra sa mga suspek.

Ngunit, nagawang makatakas ng dalawa pang suspek na kinilala naman na sina Jonathan Arias at Jan-jan Rivero.

Kaugnay nito nakumpiska naman sa mga suspek ang anim na buhay na manok na pangsabong; dalawang gaffs at ang P560 na halaga ng bet money.

Sa ngayon, patuloy pa ang isinasagawang hot-pursuit operation ng mga awtoridad para sa posibleng pagkakatunton sa nakatakas na mga suspek.