Hinimok ng Social Security System (SSS) ang mga household employers na tiyaking nakarehistro ang kanilang mga kasambahay upang mabigyan ang mga ito ng sapat na social security protection mula sa pamahalaan.
Ayon kay Robert Joseph de Claro, layunin ng inilunsad na Kasambahay Caravan noong Marso 22 sa 43 lugar sa Metro Manila at Rizal na mailapit ang serbisyo ng SSS sa mga household workers at kanilang mga employer. Aniya, mahalaga ang inisyatibang ito upang mas maraming kasambahay ang makinabang sa mga programa ng ahensya.
Dagdag pa ni de Claro, ang mga rehistradong kasambahay ay maaaring mag-avail ng iba’t ibang loan programs ng SSS, kabilang ang salary at calamity loans. Bukod dito, saklaw din sila ng Employees’ Compensation Program na nagbibigay proteksyon laban sa work-related sickness, disability, o kamatayan.
Samantala, sinabi ni Benjamin Dolindo Jr. na layunin ng caravan na mapalawak pa ang social security coverage para sa sektor ng domestic workers.
Batay sa Republic Act No. 11199, obligadong irehistro ng mga employer ang kanilang kasambahay sa loob ng 30 araw mula nang ito ay matanggap sa trabaho at tiyaking naibabayad ang tamang kontribusyon.
Para sa mga kasambahay na kumikita ng P5,000 o higit pa, ibinabawas ng employer ang employee share mula sa sahod, dinaragdagan ito ng employer share, at saka binabayaran sa mga accredited channels. Samantala, kung P5,000 pababa ang kita, sasagutin ng employer ang buong kontribusyon.
Binigyang-diin naman ni Eva Arcos na dapat ituring ang social security bilang isang pangmatagalang investment para sa kapakanan at seguridad ng mga manggagawa.














