Nagbigay ng pinakabagong update si Libmanan Mayor Edelson Muceros Marfil hinggil sa insidente ng robbery at carnapping na naganap noong Huwebes sa Barangay Bahay, Libmanan, kung saan apat sa limang suspek ang naaresto na ng mga awtoridad.
Ayon sa alkalde, ang biktima ay isang retiradong empleyado ng lokal na pamahalaan na pinasok ng limang kalalakihang hinihinalang hindi residente ng Bicol Region.
Dahil sa agarang operasyon at masusing imbestigasyon ng Libmanan Municipal Police Station, dalawang suspek ang naaresto sa bayan ng Ragay, Camarines Sur, habang dalawa pa ang nadakip sa Gumaca, Quezon.
Kasalukuyang nakadetine ang apat na suspek sa himpilan ng Libmanan Municipal Police Station habang nagpapatuloy ang imbestigasyon sa kaso.
Personal ding nagtungo si Mayor Marfil, na kilala rin bilang Mayor Son, sa himpilan ng pulisya upang alamin ang pinakabagong development sa kaso at ang detalye ng entrapment operation na nagresulta sa pagkakaaresto ng mga suspek.
Nagpaabot naman ng pasasalamat ang alkalde sa Libmanan Municipal Police Station sa pangunguna ni PLTCOL Ace Christian R. Mendoza, gayundin sa Camarines Sur Police Provincial Office at sa mga himpilan ng PNP sa Sipocot, Lupi, Ragay, at Del Gallego dahil sa kanilang mahusay na koordinasyon at mabilis na aksyon sa operasyon.
Binigyang-diin din ni Mayor Son na higit pang paiigtingin ng lokal na pamahalaan, katuwang ang pulisya, ang police visibility sa buong bayan upang maiwasan ang mga kahalintulad na insidente sa hinaharap.
Samantala, patuloy na tinutugis ng mga awtoridad ang natitirang isang suspek na nananatiling at-large.











