NAGA CITY – Patay ang isang babae habang sugatan naman ang anak nitong menor de edad matapos na pagsasaksakin at pagtatagain sa Labo, Camarines Norte.

Kinilala ang binawian ng buhay na si alyas “Edna” 46-anyos at ang sugatan naman na 13-anyos, residente ng Sitio Naboongan, P-5 Brgy. Daguit sa nasabing bayan.

Sa nakalap na impormasyon ng Bombo Radyo Naga sa Camarines Norte Police Provincial Office, napag-alaman na habang natutulog ang 13-anyos sa loob ng kanyang kwarto kasama ang isang 11-anyos na kapatid nito nang magising matapos marinig ang ingay na naggagaling sa kwarto ng kanyang ina.

Sa inisyal na imbestigasyon ng mga otoridad, napag-alaman na agad naman itong pumunta sa nasabing kwarto at dito na tumambad ang nakahandusay na katawan ng kanyang ina habang naliligo sa sariling dugo kung saan nakatayo ang hindi pa nakikilalang lalaki na mayroong hawak na sundang.

Nang makita aniya ng suspek ang menor de edad, agad itong tinaga sa ulo at nagdaplis sa kaliwang balikat na nagresulta sa pagkatumba ng bata.

Matapos nito, tumakas ang suspek at dito na nagkaroon ng pagkakataon upang makahingi ng tulong ang menor de edad.

Sa ngayon, nagpapatuloy pa ang isinasagawang imbestigasyon ng mga awtoridad lalo na sa pagtunton at sa posibleng pagkakakilanlan ng tumakas na suspek.