NAGA CITY– Arestado ang lima katao matapos ang isinagawang anti-illegal drug operations ng mga otoridad sa Brgy. San Isidro, Candelaria Quezon.

Kinilala ang mga suspetsado na sina Melinda Agustin, Jose Hernandez, George Regulto, Felipe Maralit at Fejie Carandang mga residente ng nasabing lugar.

Sa nakalap ng impormasyon ng Bombo Radyo Naga sa Quezon Police Provincial Office (QPPO), sinasabing narekober umano sa mga ito ang pitong plastic ng pinaniniwalaang shabu at iba pang drug paraphernalias na nagkakahalaga ng mahigit P30,000.

Kaugnay nito, agad namang naaresto ang mga suspetsado na hindi na nagtangkang manlaban pa dahil sa dami ng operatibang nagkasa ng operasyon sa kanila.

Sa ngayon, nasa kustodiya na ng mga otoridad ang lima na mahaharap sa paglabag sa kasong RA 9165 o Dangerous Drug Act of 2002.