Pararangalan ng Philippine National Police (PNP) ang limang pulis na nasawi sa isang ambush sa Maguindanao del Sur sa pamamagitan ng posthumous awards at tulong pinansyal, ayon sa pamunuan ng pulisya.

Sa isang press briefing, sinabi ni PNP spokesperson Police Brigadier General Randulf Tuaño na pinangunahan ni PNP Chief Police General Jose Melencio Nartatez Jr. ang isang pulong kaugnay ng pagbibigay ng parangal at espesyal na tulong pinansyal sa mga nasawing pulis.

Ayon kay Tuaño, magmumula ang nasabing tulong mula sa PNP at sa Office of the President.

Nasawi ang limang pulis habang tatlo naman ang sugatan matapos ang ambush na naganap sa Barangay Mother Poblacion, Shariff Aguak noong Sabado ng gabi. Ang mga biktima ay miyembro ng 2nd Provincial Mobile Force Company at pauwi na sana sa kanilang kampo mula sa night duty nang tambangan ng mga armadong suspek sa isang highway malapit sa Camp Akilan.

Advertisement

Patuloy naman ang isinasagawang manhunt operations ng mga awtoridad upang matukoy at maaresto ang mga salarin, na pinaniniwalaang kabilang sa isang grupo ng mga insurgent.

Sa kabila ng insidente, tiniyak ng PNP na hindi nito maaapektuhan ang kanilang determinasyon na panatilihin ang kapayapaan at kaayusan sa lugar. Pinalakas na rin ang seguridad sa buong Maguindanao del Sur kasunod ng naturang pag-atake.

Advertisement