NAGA CITY – Nasa 50 katao ang nakakain ng karneng baka na nagpositibo sa rabies sa dalawang barangay sa lungsod ng Naga.

Sa panayam ng Bombo Radyo Naga kay Dr. Junius Elad, Naga City Veterenary, sinabi nito na Marso 18 ng magreport ang caretaker ng baka na naglalaway ito at medyo agresibo.

Kung kaya, nagkaroon umano agad sila ng pagdududa na rabies ang dahilan nito.

Dahil dito, inabisuhan nila ang caretaker na kung mamatay ang nasabing baka sa loob ng dalawang araw, pupugutan ito ng ulo para maimbestigahan habang ililibing naman ang katawan nito.

Ngunit, pagbalik umano ng mga tauhan ng City Veterenary, nabatid na ulo na lamang ng baka ang natira dahil pinaghati-hatian na ito ng mga residente sa lugar.

Matapos ang isinagawang eksaminasyon sa baka, dito na nabatid na positibo pala sa rabies ang nasabing hayop.

Samantala, habang nagsasagawa naman ng back tracing, dito na nabatid na marami na pala ang nakakain at nakahawak sa nasabing baka.

Ayon pa kay Elad, mas nanganganib ang buhay ng mga nakahawak sa nasabing karne kumpara sa mga nakakain nito.

Sa ngayon, patuloy pa rin ang isinasagawang paghahanap at pagtukoy sa mga nakakain at nakahawak sa nasabing karne.

Samantala, panawagan naman nito na agad na pumunta sa kanilang opisina ang sinuman na na-expose sa nasabing karneng baka.