NAGA CITY – Binulabog ng anim na magkakasunod na lindol ang buong lungsod ng Naga gayundin ang ibang bahagi ng Camarines Sur.
Sa panayam ng Bombo Radyo Naga kay Paul Alanis, ang Mayon Volcano Observatory Resident Volcanologist, unang naramdaman ang magnitude 4.3 na lindol dakong alas 10 ng gabi.
Dakong ala-1 ng madaling araw naman nang muling maramdaman ang limang sunod-sunod pang pagyanig.
Kaugnay nito, naramdaman ang Intensity V sa bayan ng Canaman, Intensity IV sa Calabanga, Camaligan, Gainza, Ocampo, Pili at Sipocot, Intensity III naman sa lungsod ng Naga at Intensity II sa bayan ng Buhi, Camarines Sur.
Ayon kay Alanis, tectonic ang pinagmulan ng nasabing lindol kung saan namataan ang episentro nito sa bahagi ng Canaman sa nasabing lalawigan.
Aniya, umabot na sa 11 na aftershocks ang naitala ng PhiVolcs kung saan anim dito ang naramdaman ngunit lininaw nitong ang mga pagyanig ay hindi naman magdadala ng epekto sa mga minomonitor na bulkan sa Bicol Region.
Sa kabilang dako, inalerto na ng Environment, Disaster Management and Emergency Response Office (Edmero)-CamSur ang kanilang deployable team para sa agarang pag-rescue kung kinakailangan.
Samantala, dahil sa lakas ng mga pagyanig, ilang mga gusali rin sa lungsod ng Naga ang nagkaroon ng bahagyang pagbitak at pagkasira.
Patuloy namang nakaantabay ang lokal na pamahalaan ng Naga gayundin ang iba pang ahensiya ng lungsod sa pagtukoy ng mga damage reports.
Posible pa rin na maramdaman ang mga aftershocks kung kaya patuloy ang ginagawang monitoring ng mga concerened agencies kaugnay ng nasabing lindol.