Iniulat ng Department of Migrant Workers (DMW) nitong Linggo ang ligtas na pagbalik sa Pilipinas ng 67 overseas Filipinos mula sa Qatar bilang bahagi ng patuloy na repatriation efforts dulot ng tensyon sa Middle East.
Sa social media post ng DMW, sinabi na ang repatriated Filipinos ay binubuo ng 54 overseas Filipino workers (OFWs) at 13 dependents ay dumating sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) noong Sabado ng gabi, Abril 4.
Sila’y sinalubong ng mga opisyal mula sa DMW at Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) at agad nabigyan ng post-repatriation assistance, kabilang ang pagkain, tulong pinansyal, medikal na suporta, pamasahe pauwi sa kani-kanilang probinsya, at pansamantalang tirahan.
Dagdag pa, inaasahan ding dumating ang isa pang 19 OFWs at isang dependent mula Qatar sa Manila noong Linggo ng gabi.
Sa kasalukuyan, kabuuang 564 OFWs mula Qatar ang nakabalik sa Pilipinas dahil sa patuloy na repatriation efforts ng gobyerno sa gitna ng hostilities sa Middle East.
Pinapaalalahanan din ng DMW ang mga OFWs sa rehiyon na maging maingat sa paggamit ng visa at huwag magbahagi ng maling impormasyon tungkol sa sitwasyon sa Middle East.














