NAGA CITY – Patay ang walo katao habang sugatan naman ang apat na iba pa sa banggaan ng pampasaherong bus at van sa Barangay San Vicente, Pamplona Camarines Sur.

Sa nakalap na impormasyon ng Bombo Radyo Naga sa Camarines Sur Police Provincial Office (CSPPO), nabatid na patungong lungsod ng Naga ang van na minamaneho ni Armani Calpe habang patungo namang Manila

ang bus na minamaneho rin ni Leonardo Camu.

Ngunit, pagdating sa naturang lugar, aksidenteng nagsalpukan ang dalawang sasakyan na nagin dahilan para bawian ng buhay ang walo katao habang apat naman ang sugatan na pawang mga pasahero ng van.

Samantala, ngayong umaga lamang ng sumuko ang driver ng bus sa Libmanan-PNP.

Sa kabila nito, nagpapatuloy pa ang imbestigasyon ng mga otoridad hinggil sa naturang pangyayari.