NAGA CITY- Hangad din ng 9th Infantry Division (9ID), Philippine Army ang hustisya sa pagkamatay ng dating sundalo na si Cpl. Winston Ragos.
Sa panayam ng Bombo Radyo Naga kay Capt. John Paul Belleza, Chief ng Division Public Affairs Office (DPAO), 9ID, Philippine Army, sinabi nitong hinihintay nila ang magiging pagdinig sa kaso nito.
Ayon dito, dati rin na na-assign sa 9ID Joint Task force Bicolandia Unit si Cpl. Ragos.
Kung maaalala, noong Martes, Abril 21, 2020 nang ito ay barilin ni PMSgt. Daniel Florendo Jr. sa isang checkpoint sa Quezon City dahil sa umano’y paglabag sa umiiral na Enhanced Community Quarantine na naging dahilan ng kaniyang kamatayan.
Samantala, nagpaabot naman ito ng kanilang pakikiramay sa mga kaibigan at pamilyang naulila ng dating sundalo.