NAGA CITY- Isinailalim sa lockdown ang buong Holy Rosary Major Seminary gayundin ang buong Carmelite Monastery sa Naga City matapos na magpositibo sa COVID-19 ang isang pari.
Batay sa inilabas na opisyal na pahayag ng lokal na pamahalaan ng lungsod, napag-alaman na kinilala ang pasyente na si Bicol#338.
Ang naturang pasyente ay isang 31-anyos na lalaki.
Nabatid na noong Hulyo 21 ay naranasan nito ang pabalik-balik na lagnat kung saan kahapon, Hulyo 24 lamang nagkonsulta sa Bicol Medical Center at isinailalim na rin sa swab testing.
Kung saan dito na napag-alaman na positibo nga ang naturang pari sa COVID-19.
Napag-alaman din na wala itong travel history habang beniberipika pa ang history of exposure nito.
Sa ngayon, naka-quarantine na rin ang naturang pasyente.