NAGA CITY – Patay ang isang binatilyo habang sugatan ang dalawa pa matapos ang nangyaring salpukan ng dalawang motorsiklo sa Barangay Masin Sur, Candelaria, Quezon.

Kinilala ang binawian ng buhay na si John Hilary Lontoc, 18-anyos, residente ng Barangay Lusacan, Tiaong, Quezon habang sugatan naman ang dalawa pang menor de edad, residente naman ng Brgy. Masin Norte, Candelaria, sa nasabing lalawigan.

Sa nakalap na impormasyon ng Bombo Radyo Naga sa Quezon Police Provincial Office, napag-alaman na habang minamaneho ng menor de edad ang motorsiklo nito patungo sa Candelaria ng bigla na lamang umanong kainin ng motorsiklo ni Lontoc na mula naman sa kabilang direksiyon ang kabilang linya dahilan upang makabangga ito sa kasalubong na motorsiklo.

Dahil sa lakas ng impact ng pagkakabanggaan ng mga ito, dead-on-the spot si Lontoc habang nagtamo naman ng sugat sa iba’t-ibang bahagi ng kanilang katawan ang backrider at driver ng isa pang motorsiklo.

Advertisement

Sa ngayon, nagpapatuloy pa ang isinasagawang imbestigasyon ng mga otoridad hinggil sa nasabing insidente.

Advertisement