NAGA CITY – Patay ang isang dating miyembro ng CAFGU matapos na pagbabarilin ng dalawang lalaki na pinaniniwalaang miyembro ng New People’s Army (NPA) sa Brgy., Magsaysay, Tinambac, Camarines Sur.
Kinilala ang biktima na si Mario Agor, 58-anyos, residente ng Brgy., Tierra Nevada, sa nasabing bayan.
Sa panayam ng Bombo Radyo Naga kay PMaj. Dino Regaspi, hepe ng Tinambac Municipal Police Station sinabi nito na habang naglalakad ang biktima kasama ang isang Rufo Bisenio patungo sa kanilang pinagtatrabahuhan, ng lapitan ang mga ito ng hindi pa nakikilalang suspek at magtanong tungkol sa pinagbebentang manok.
Ngunit, bigla na lamang umano nitong pinagbabaril ang biktima.
Sa inisyal na imbestigasyon ng mga awtoridad, napag-alaman na dahil sa nasabing insidente, nagtamo nang apat na tama ng bala ng baril sa iba’t-ibang bahagi ng kanyang katawan ang biktima na nagin dahilan upang bawian ito ng buhay.
Samantala, agad namang tumakas ang mga suspek sa hindi pa malamang direksyon, habang maswerte naman na nakaligtas si Bisenio dahil hindi naman umano ito idinamay ng mga suspek, kung kaya pinaniniwalaang si Agor lamang ang target ng mga ito.
Nilinaw rin ng opsiyal na hindi naman maiikonsidera na election related incident ang nasabing pangbabaril-patay sa nasabing biktima.
Sa ngayon, nagpapatuloy pa ang isinasagawang hot pursuit operation ng mga awtoridad laban sa nasabing mga suspek.