NAGA CITY – Kumpiskado ang nasa P408-K na halaga ng iligal na droga sa isinagawang buybust operation ng mga otoridad sa Zone 1, Barlin St., Brgy. Sta. Cruz, Naga City.
Kinilala ang suspek na si Jeffrey San Buenaventura, 39-anyos, residente ng Brgy. Abella, Naga City at Brgy. San Roque sa bayan ng Camaligan, sa probinsya ng Camarines Sur.
Sa panayam ng Bombo Radyo Naga kay IAV Mark Anthony Viray, ang Provincial Officer ng PDEA-CamSur, sinabi nito na ang nasabing suspek ay isang Regional target individual, dahil hindi lang aniya ang lungsod ng Naga ang dinadalhan nito ng droga kundi maging sa mga karatig bayan at probinsya sa Bicol Region .
Dagdag pa ni Viray, labas-loob na aniya sa kulungan ang suspek ng nakaraang taon dahil sa ibat-ibang kaso at kilala din ito bilang drug personality.
Nalambat sa operasyon ang nasa 60 gramos ng iligal na droga na nagkakahalaga ng P408,000, at isang unit ng cellphone.
Si San Buenaventura rin aniya ang itinuturing na professor ng mga snatcher o magnanakaw sa nasabing lungsod.
Sa ngayon, nasa kustodiya na ng mga otoridad ang suspek na mahaharap sa kasong paglabag sa RA 9165 o Comprehensive Dangerous Drug Act of 2002.